2 bihag na sundalo, pinalaya na ng NPA

Image from Davao TodayImage from Davao Today

MAYNILA, Pilipinas – Pinalaya na ng rebeldeng grupo ang 2 bihag na sundalo nitong Miyerkules, ika-19 ng Abril, sa Davao Del Sur.

Nakilala ang mga nakalayang sundalo na sina Sgt. Solaiman Calocop and Pfc. Samuel Garay; parehong miyembro ng 39th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Sina Calocop at Garay ay binihag ng New People’s Army (NPA) noong Pebrero sa  Barangay Telefas sa bayan ng Columbio, Sultan Kudarat.

Ayon sa rebeldeng grupo, ang pagpapalaya sa dalawang bihag ay bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa ginagawang peace talk sa pagitan ng komunistang grupo at pamahalaan.

“Ang pag-release kanila pagpakita sa rebolosyonaryo og maayong kabobot-on para ma pursigi ang hinabing pangkalinaw,” ani Macario Dilaab, tagapagsalita ng NPA Mt. Alib sub-regional command.

Lubos naman ang pagpapasalamat ng dalawang sundalo dahil pinalaya sila nang buhay, at ngayon ay nakabalik na sa kanilang pamilya.

“Ako po ay nagpasalamat sa NPA na kami ay pinakawalan nila nang buhay at walang kagalos-galos,” sambit ni Caloop.

Ayon naman kay Garay, naging maayos ang pagtrato sa kanila ng NPA sa mahigit dalawang buwan nilang pananatili sa kanilang kuta.

Ang NGO na “Sowing the Seeds of Peace” umano ang siyang tumulong sa negosasyon upang mapalaya ang dalawang sundalo.

Loading...