2 notoryus na holdaper, kinuyog ng taumbayan nang madulas at mahulog sa motorsiklo

Image from ABS-CBN

Arestado ang dalawang sinasabing notoryus na holdaper sa Caloocan City matapos manghablot ng cellphone sa babaeng biktima noong Biyernes Santo, ika-14 ng Abril.

Ayon sa ABS-CBN, kagagaling lang ng 19-anyos na biktimang si Martina Montalban sa cijy jail matapos dalawin ang nakakulong na ama nang matiyempuhan siya ng riding-in-tandem at hinablot ang hawak niyang cellphone.

Sumisigaw na humingi ng tulong ang biktima sa mga tao habang hinahabol niya ang mga suspek na mabilis na tumakas sakay ng kanilang motorsiklo.

Pero hindi pa nakalalayo ang dalawang suspek nang madulas at mahulog ang mga ito sa motorsiklo. Dali-dali namang kumilos ang mga nakasaksi at kinuyog ang mga salarin.

Nabawi ng mga rumespondeng pulis ang cellphone ng biktima. Kinilala ang mga suspek na sina Romar Valenzuela Enot at Edjhen Malinay Gamboa na kapwa umamin na gumagamit ng ilegal na droga.

Ayon sa pulisya, matagal nang wanted ang dalawa sa mga kasong holdup at robbery. Noong nakaraang linggo ay nakunan pa umano ng CCTV ang mga suspek na nangholdap sa Samson Road at Barangay 53 ng nasabing lungsod.

Source :

ABS-CBN