26-anyos na binata, nagreklamo sa Sangguniang Panlalawigan matapos tanggihang tuliin ng ospital

Image from Dr. Momma Image from Dr. Momma

Dahil sa naranasang diskriminasyon mula sa mga tauhan ng isang pampublikong pagamutan, nagreklamo ang isang binata sa Sangguniang Panlalawigan ng Aklan.

Napag-alaman ng Bombo Radyo na ipinaabot ng 26-anyos na binatang kinilala lamang sa pangalang George ang reklamo kay board member Immanuel Sodusta na tinanggihan umano siyang isailalim sa sirkumsisyon o pagpapatuli ng provincial hospital ng nasabing probinsiya.

Sumbong ni George, pinagpasa-pasahan raw siya ng staff ng Dr. Rafael S. Tumbucon Memorial Hospital at sa bandang huli ay sinabihan na hindi siya puwedeng tuliin doon sa hindi malamang dahilan.

Tinalakay ng provincial council committee on health ang nasabing isyu at napagdesisyunan ng tagapangulo ng komite na si Nelson Sta. Maria na ipatawag ang pamunuan ng ospital upang magpaliwanag kaugnay ng isyu at sa mga naunang reklamo tungkol sa hindi magandang serbisyo ng pagamutan.

Ayon pa rin sa ulat ng Bombo Radyo, natuloy rin naman ang pagpapatuli ng binata, pero ginawa iyon sa isang pribadong ospital.

 

Source :

Bombo Radyo