34-anyos na lalaki, dinakip matapos tangkaing itanan ang isang 12-anyos na batang babae

Image from Hasan NaheenImage from Hasan Naheen

Dinakip ng pulisya ang isang 34-anyos na lalaki dahil sa reklamo ng mga magulang ng isang 12-anyos na batang babae.

Sa ulat ng Journal Online, may relasyon umanong nabuo sa pagitan ng lalaki at ng menor de edad na babae na diumano ay nagkakilala sa pamamagitan social media.

Nasa ilalim na ng kustodiya ng Manila Police District-District Police Intelligence Operation Unit ang suspek na kinilalang si Nathaniel Moncada Espia.  Naaresto si Espia sa Pier 4, North Harbor sa Tondo, Maynila matapos niyang dumating doon mula sa Talisay sa Cebu.

Sa salaysay ng Grade 7 student na residente ng Singalong, Maynila, nakilala niya si Espia sa Facebook. Niligawan umano siya nito at kalaunan ay naging magkasintahan sila. Napapayag umano ni Espia ang menor de edad na sumama na sa Cebu upang doon na siya papag-aralin.

Nagtungo sa Pier 4 ang batang babae pero hinanapan siya ng guard on duty ng clearance mula sa Department of Social Welfare and Development dahil menor de edad siya at bibiyaheng mag-isa. Napilitang bumalik sa kanilang bahay ang bata. At doon na natuklasan ng mga magulang ng babae ang relasyon ng dalawa.

Sinubukan ng mga magulang ng batang babae na putulin ang relasyon ng dalawa ngunit nabigo sila kaya napilitan na silang humingi ng tulong sa mga awtoridad.