6 na turista nagtamo ng mga paso nang mag-apoy ang sinasakyang bangka patungong Hundred Islands

Image from Asenso Pangasinan Image from Asenso Pangasinan

Sugatan ang anim na turista nang magliyab ang sinasakyang motorboat na magdadala sana sa kanila sa Hundred Islands National Park sa Alaminos City sa Pangasinan noong Linggo ng Pagkabuhay.

Ayon sa Inquirer, limang minuto pa lamang mula nang umalis ang motorboat sa isang pantalan sa Barangay Lucap sa naturang lungsod nang bigla iyong umapoy. Sa pahayag ng Alaminos Police Chief na si Supt. Benjamin Ariola, posibleng nagsimula ang apoy mula sa isang container ng gasolina na nainitan dahil nakalagay iyon malapit sa makina ng bangka.

Ani Ariola, maaaring nag-overheat ang makina.

Nagtamo ng mga paso sa balat ang anim na turista na sinaklolohan ng dumaraang bangka at agad silang dinala sa pantalan kung saan nakaabang na umano ang isang ambulansiya na nagdala sa kanila sa pagamutan.

Hindi agad kinilala ang mga biktima. Pito pang turista na sakay ng nag-apoy na bangka ang nakaligtas at walang sugat na tinamo.