70 Pamilya, Nasunugan sa Caloocan sa Pasko ng Pagkabuhay

imahe mula sa Google

May 70 pamilya ang nasunugan madaling-araw ng Abril 16, 2017 sa Maypajo, Caloocan City sa paggunita ng Pasko ng Pagkabuhay.

Sumiklab ang sunog mga bandang 4:00 ng umaga habang nahihimbing ang lahat. Nagsimula umano ang sunog sa bahay ng isang nagngangalang Lito Ostrea.

Ayon kay Ostrea, hindi niya maintindihan kung paano nangyari ang sunog dahil may circuit breaker ang kanyang bahay.

Mabilis na lumaganap ang apoy at naabo ang halos 70 kabahayang gawa sa magagaan at lumang materyales, lalo na sa Dimasalang at Binangonan Street.

Iniakyat sa ika-5 alarmang antas ang sunog na umabot hanggang sa covered court at barangay hall ng lugar.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, labis na paggamit ng kuryente ang naging dahilan ng sunog na lalong pinasiklab ng init ng panahon at mga ilegal na koneksyon o jumper.

Tinangka umano ng mga naapektuhang residente na isalba ang kani-kanilang mga ari-arian subalit tanging mga sarili lamang nila, at ang mga damit na suot ang nailigtas nila. Tinatayang aabot sa halos 1 milyon ang halaga ng mga naabong ari-arian.

Sa kabila ng matinding sunog, wala namang napabalitang nasaktan o namatay sa mga apektadong residente. Humihingi naman sila ng tulong sa lokal na pamahalaan upang agad silang makabangon sa naturang trahedya.

Samantala, pinaaalalahanan ang publiko na maging maingat at alerto ngayong tag-init lalo’t katatapos lamang ng Marso na binansagang “Fire Prevention Month” at patuloy na nakararanas ng napakainit na panahon ngayong Abril. Tiyaking nasusuri ang mga de-kuryenteng appliances kung may sira na ito lalo na ang mga kable na maaaring pagmulan ng sunog. Patayin ang mga ito at hugutin din ang kordon nito mula sa pagkakasaksak sa outlet kapag hindi ginagamit at huwag na huwag itong iiwan o tutulugang nakabukas.

Kung sakaling sisindihan ang mga kandila o lampara, patayin itong maigi at ilayo sa mga bata. Itagong maigi ang mga gaas at posporo sa maayos na taguan o lalagyan.

Pihiting mabuti ang mga LPG matapos magluto upang hindi sumingaw. Tiyaking may reserbang tubig o buhangin kung sakaling sumiklab ang sunog upang maagapan at alamin ang numero ng mga fire station para sa agarang aksyon.

Sa tamang paghahanda, makaiiwas sa sakuna.