P9 M Halaga ng Marijuana Plantation Natuklasan sa Benguet nang Hinanap ang inirereklamong Magkalaguyo

Public domain

Dahil ba mainam ang klima para sa pagtatanim ng marijuana?

Natuklasan ng mga awtoridad ang tatlong marijuana plantation na tinatayang aabot sa P9 milyon ang halaga sa boundary ng bulubunduking bahagi ng Barangay Sapdaan, Santol, La Union at Barangay Mocgao, Kibungan, Benguet.

Ngunit kaiba sa mga balitang raid, hindi droga o marijuana ang pakay ng mga awtoridad sa pagtungo sa lugar na yaon.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, sinabi ni C/Insp. Danilo Ligayo, hepe ng Santol Police Station, na bago ang pagkakatuklas sa tatlong marijuana plantation ay nakatanggap umano ng  reklamo ang mga pulis mula sa isang mister dahil sa pagsama ng kaniyang asawa sa ibang lalaki.

Kasama ang 46-anyos na mister na nagngangalang Freddie, inakyat at nilakad ng mga awtoridad ang bulubunduking lugar sa loob ng anim na oras upang marating ang diumano’y pinagtataguan ng sinasabing magkalaguyo.

Natunton naman ng mga pulis ang sinasabing magkalaguyo na saktong abalang nag-aani ng marijuana sa malawak na taniman ngunit bigo namang maaresto ang mga ito dahil agad na nakatakas ang dalawa.

Sasampahan  ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o Republic Act No. 9165 ang mga suspek dahil sa pangangasiwa umano ng mga ito sa marijuana plantation na may lawak na 1,600 square meters; ayon kay C/Insp. Danilo Ligayo.

Ayon naman kay Freddie, kung hihingi ng tawad ang asawang si Nora, 42, ay buong puso niya itong tatanggapin.

Salaysay pa umano ni Freddie, posibleng kahirapan ang nagtulak sa misis kung bakit siya iniwan nito at sumama kay Rufino Lagadeo ng Barangay Badeo, Kibungan na isang marijuana cultivator.

Napag-alamang  magsasampa rin ng kasong adultery si Freddie laban sa kaniyang misis at sa kalaguyo nito.

Hinala ng mister, tila nagtatalik umano ang magkalaguyo sa naturang plantasyon dahil nasaksihan niyang nagtataas ng pang-ibaba ang dalawa bago ang pagtakas ng mga ito.

Samantala, ilang ulit nang nakatuklas ng mga plantasyon ng marijuana sa Benguet; kabilang na yaong 2,350 metro-kwadrado sa tatlong lugar sa Barangay Badeo, Kibungan noong 2013 at 13 pang iba noong Abril ng nakaraang taon.