Abril 27-28, 2017, Non-Working Day sa ilang bahagi ng Metro Manila dahil sa ASEAN Summit

mula sa Filipino News Portal

Inihayag ng Malacanang ang non-working day sa ilang bahagi ng Metro Manila mula Abril 27- 28, 2017 dahil sa magaganap na 30th Association of South East Asian Nations (ASEAN) Summit sa Pilipinas.

Alinsunod sa Memorandum Circular No. 18 na idineklara ni Executive Secretary Salvador Medialdea na may basbas ni Pangulong Duterte, walang pasok sa lahat ng mga opisina ng gobyero sa mga lungsod ng Maynila, Makati at Pasay sa Huwebes, Abril 27, 2017.

Dagdag pa rito, wala pa ring pasok sa mga opisina ng gobyerno gayundin sa mga pampribadong opisina sa buong Metro Manila sa Biyernes, Abril 28, 2017.

Ibinibigay naman sa mga lokal na gobyerno, may-ari ng mga pribadong kumpanya at administrador ng mga paaralan at unibersidad  kung pananatilihin ang deklarasyon hanggang Abril 29, 2017, Sabado.

Ang Maynila ang magiging host ng 30th ASEAN Summit na dadaluhan ng 10 mahahalagang lider ng bansa na gaganapin sa Philippine International Convention Center o PICC sa lungsod ng Pasay mula Abril 26-Abril 29.

Ang tema ng pagpupulong ngayong taon ay  “Partnering for Change, Engaging the World” kung saan nakatakdang pag-usapan ang tungkol sa usaping kapayapaan, usapin sa mga teritoryong pandagat, at mga inobatibong pagbabago.  Inaasahan ding mapag-uusapan ang tungkol sa kontrobersyal na South China Sea. Ang 10 mga lider na ito ay magmumula sa mga bansang kabilang sa ASEAN tulad ng Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, at Vietnam.

Ayon kay ASEAN 2017 National Organizing Council Director-General for Operations Marciano Paynor Jr. magtatagpo-tagpo ang 10 lider sa PICC bago tumungo sa Coconut Palace sa April 29 para sa kanilang retreat.

Pagkatapos ng retreat, babalik sila sa PICC para tapusin ang lahat ng nakatakdang pulong.

“This will be culminated by a gala dinner hosted by the president,” pahayag ni Paynor sa media.

Bukod dito, nakatakda ring magsagawa ng  bilateral na pulong sina Pangulong Rodrigo Duterte at Brunei Sultan Hassanal Bolkiah sa April 27; gayundin sa pangulo ng Indonesia na si Joko Widodo sa Abril 28.