Abu Sayyaf sub-leaders Boy Master, Boy Pangit at 9 nilang tauhan, kusang sumuko sa militar

Image capture of video by Pacific News via YouTube

Dalawang notoryus na sub-leader ng bandidong grupong Abu Sayyaf, kabilang ang siyam nilang mga tauhan ang kusang sumuko sa militar sa Tawi-Tawi, Martes ng gabi, ika-11 ng Abril.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command Spokesman Capt. Jo-Ann Petinglay sumuko ang dalawang Abu Sayyaf sub-leaders na sina Berong Sariol, alyas “Boy Master”, at Ben Saudi Dambong Sariol, alyas “Boy Pangit”, sa Joint Task Force Tawi-Tawi sa Marine Barracks Domingo Deluana sa Barangay Sanga-Sanga, Bongao, Tawi-Tawi.

Ang siyam nilang tauhan ay kinilalang sina  Jasim Dambong, Mujil Dambong, Magelan Langal, Kael Sariol, Nurhamin Sariol, Alhan Sariol, Amnisain Sariol, Akmad Sariol, at Benasil Sariol; pawang mga taga-Sitio Gigipan, Barangay Baldatal, Sapa-Sapa, Tawi-Tawi.

Ayon sa Bombo Radyo, isinuko rin ng grupo ang kanilang mga armas kabilang ang isang unit ng M16 rifle, M203, M14 rifle, M79 rifle at apat na units ng M1 garand rifle.

Ang pangkat ng dalawang bandido ay wanted sa Sabah, Malaysia dahil sa pagkakasangkot nila doon sa pamimirata, pangingidnap at ibang mga krimen.