Arroyo, Mistulang Sinisi si Aquino sa Problema ng West Philippine Sea Habang Pinuri ang Pamamaraan ni Duterte

Larawan mula Rappler at Noynoy Aquino via Facebook pagesLarawan mula Rappler at Noynoy Aquino via Facebook pages

Mistula na umanong sinisi ni dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang administrasyong ni dating pangulo Benigno Aquino III sa usapin ng West Philippine Sea, habang pinuri naman niya ang pamamaraan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Atty. Estelito Mendoza, dating Solicitor General at abogado ni Arroyo, maraming naitayong isla ang China noong panahon ni Aquino at doon nagsimula at tumindi ang suliraning ng bansa sa teritoryo.

Ito ay resulta sa inihaing reklamo ng Pilipinas sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na may kinalaman sa agawan ng ilang isla sa rehiyon, paliwanag ni Mendoza.

Ani Mendoza, kapayapaan at hindi away ang tinamasa ng bansa noong administrasyon ni Arroyo, na sinang-ayunan ng huli.

Iginiit ni Mendoza, kahit naipasa ang Republic Act 9522 o ang Archipelagic Baselines of the Philippines noong panahon ni Arroyo ay hindi naman pumalag ang China.

Naniniwala naman si Arroyo na alam ni Duterte ang kanyang ginagawa kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea, saad sa ulat ng Bombo Radyo.

Ani Arroyo na kahit hindi siya makapagbigay ng payo dahil hindi niya alam lahat ng detalye ay tiwala siya sa ginagawa ni Duterte.

Dagdag pa ni Arroyo, sakaling magpayo siya kay Duterte ay strategic at hindi tactical ang ibibigay niya.

Samantala, wala namang indikasyon na kakalas si Arroyo sa mayorya sa kabila ng pag-alis sa kanya bilang De­puty Speaker for Central Luzon, ayon sa ulat ng Abante Tonite.