Bangkay ng isang lalaki, natagpuan sa Burnham Park

Imahe mula sa Cush Travel BlogImahe mula sa Cush Travel Blog

BAGUIO CITY, PHILIPPINES – Kilala ang Burnham Park hindi lamang sa magandang pasyalan, kundi dinarayo din ito ng mga mahilig mag-jogging at mag-ehersisyo araw-araw.

Ngunit marami ang nagulantang nang matagpuan ang bangkay ng isang lalaki na tadtad ng saksak sa katawan, nito lamang Miyerkules. Marami tuloy ang umalma sa seguridad ng nasabing Park na kilala bilang isang tourist destination.

Ang katawan ng biktima ay nagtamo ng saksak sa may dibdib. Puno rin di-umano ng mga tattoo ang kaliwang kamay nito.

Ayon sa nakakita sa nasabing bangkay na si Adelino Sacla Villena Jr., 47-anyos, bandang alas-5:25 ng umaga nang makita niya ito sa may Park’s picnic grove sa Jose Abad Santos Drive.

Ani Senior Supt. Ramil Saculles na siyang City Police Director, wala pa di-umanong pagkakakilanlan ang nasabing biktima. Dagdag naman ng Forensic Investigators, isang pulang sling bag di-umano ang nakatali sa katawan ng biktima na kinalalagyan ng electrical tape, coin purse, at sachet na ayon sa mga pulis ay marijuana.

Dalawang security guard di-umano ang nagpapatrolya bandang alas-3:40 ng umaga sa nasabing Park. Ngunit ayon sa salaysay ng mga ito, hindi raw nila napansin ang katawan ng biktima.

Taong 2010 naman nang matagpuan ang bangkay ng isang pulubi na namatay sa “Hypothermia” sa magkaparehong lugar.

Simula noon, mas naging mahigpit na ang seguridad sa buong Park. Katunayan, nagtalaga sila ng 11 na security guards kada oras at mayroon ding sariling tourist police outpost doon.

Ang Park ay paboritong puntahan ng mga joggers at mga bakasyunista. Ilan sa mga ito ay doon na rin nagpapalipas ng gabi dahil laging punuan ang mga hotels na malapit rito.

Anang isang netizen: “How can security guards miss a body at the park? And why did it happen close to the children’s park and the hotels?”

Sa kabilang dako, hindi naman daw ito nakaapekto sa turismo ng nasabing lungsod. Nito lamang Huwebes, maraming bilang ng mga turista ang patuloy na dumaragsa sa nasabing Park na malapit din sa isang downtown landmark na Session Road.