BBM nagbigay na ng P36-M bilang paunang-bayad sa kaniyang poll protest vs Robredo

Image from Bongbong Marcos Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Nauna nang nagbigay ng paunang bayad si dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos sa ‘poll protest fee’ na hiniling sa kanila  ni Vice President Leni Robredo ng Presidential Electoral Tribunal o PET.

Nitong Lunes, nagtungo sa Korte Suprema, na siyang tumatayong PET, si Marcos upang ideposito ang tseke na nagkakahalaga ng P36-M.

Matatandaang humingi ng kabuuang P81-M ang PET mula sa kampo nina Robredo at Marcos bilang bayad sa gagastusin ng proseso ng recount para sa mahigit 163,000 na presinto sa bansa kung saan sinasabing nangyari umano ang dayaan.

Sa halagang ito, ang  P66,223,000 ay dapat magmula kay Marcos para sa kinukwestiyon niyang 132,446 na presinto; habang ang P15,639,000 ay dapat bayaran ni Robredo para naman sa kinukwestiyon niyang 31,278. Ang bawat presintong sangkot sa protesta ay nagkakahalaga ng P500.

Ang naturang halaga ay maaaring bayaran ng dalawang installment, ayon na rin sa PET.

Sa paunang bayad, dapat magbigay si Marcos ng P36,023,000; habang P8-M naman ang para kay Robredo.

Ang palugit ng unang installment ay itinakda noong Abril 14 na nataon namang walang pasok dahil sa Semana Santa. Ang pangalawang installment ay dapat bayaran bago dumating ang Hulyo 14.

Ayon kay Marcos, masyado nang matagal ang isang taon pero hindi pa rin umano nalalaman kung sino ang nanalo noong eleksiyon sa pagka-pangalawang pangulo.

“Mag-iisang taon na mula nung nakaraang halalan, hanggang ngayon hindi pa alam ng taong bayan kung sino ba talaga ang nanalo bilang bise presidente,” ani Marcos sa isang makiling panayam sa mga mamahayag.

Samantala, nangako naman ang kampo ni Robredo na susundin nila ang utos ng PET na magbigay ng paunang-bayad.

Si Marcos ay tinalo ni Robredo ng mahigit 260,000 na boto lamang; sanhi upang magsampa ng protesta ang dating senador sa nanalong bise-presidente na inakusahan niyang nandaya umano noong halalan.