Bilang ng nasawi sa bus na nahulog sa Nueva Ecija, umakyat na sa 34

Image from Felix Asuncion Rmt's Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa bus na nahulog sa bangin sa Nueva Ecija noong Martes ng tanghali. Mula sa dating napaulat na 26, umakyat ito sa 29 nang hapon ding iyon.

Subalit nitong Miyerkules, umabot na umano sa 34 ang namatay sa malagim na aksidente, ayon sa talaan ng lokal na Office of Civil Defense.

Matatandaang nahulog ang isang Leomarick bus na patungong Ilocos Sur mula Isabela sa bangin sa may  Barangay Capintalan, bayan ng Carranglan bandang alas-11:30 ng umaga. Tinatayang aabot sa 100 hanggang 150 talampakan ang lalim ng bangin.

Dahil sa tindi ng pagbulusok ng bus, halos nahiwalay ang chasis at bubong ng sasakyan.

Kasama sa mga nasawi ang isang driver ng bus na nakilalang si  Cesar Perang, subalit hindi pa matiyak kung siya ang nagmamaneho ng bus nang mangyari ang aksidente dahil mayroon itong isang karelyebo.

Ayon naman sa mga nakasaksi, nakuhang makatalon ng konduktor ng bus, na hindi pa pinapangalanan,  bago ito bumagsak sa bangin.

Kuwento ng ilang nakaligtas na pasahero, nawalan ng preno ang bus; habang sabi naman ng iba ay pumutok ang isang gulong nito.

Samantala, ipinag-utos na ng Department of Public Works and Highway (DPWH) ang pagsasaayos ng mga railings at traffic signs sa pinangyarihan ng akisdente upang maiwasan na ang mga katulad na sakuna.

Iniimbestigahan na rin kung nag-overload nga ang bus dahil hindi umano bababa sa 60 pasahero ang nakasakay dito samantalang 45 katao lang ang capacity dapat nito.