Biro ni Digong kay Erap: “Ipabalik kita sa Kulungan”

Image via Facebook post

Biniro ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dating pangulo at ngayo’y alkade ng Maynila na si Joseph Ejercito Estrada na muli niyang ipakukulong ito, sa kanyang talumpati sa grand launch ng Cine Lokal sa Lungsod ng Pasay noong Abril 19, 2017.

Bumanat ng biro si Digong sa noo’y nagdiriwang ng ika-80 kaarawan na si Erap dahil naalala niya ang ginawang pagbibiro ng huli sa kanya noong 2016 sa Pambansang Halalan.

Matatandaang nakulong si Estrada dahil sa kaso ng pandarambong subalit muling nakalaya dahil sa pardon na ibinigay sa kanya ni PGMA noon.

Ginaya pa ni Pangulong Duterte ang paraan ng pagsasalita ni Mayor Estrada.

Si Erap naghihintay na ang buang, birthday niya ngayon eh. Sabi niya punta ka na ha. Tapos sabi, ‘Wala ‘yan, si Duterte, wala ‘yan, low class,'” biro ng Pangulo sa harap ng mga nagtatawanang tagapakinig.

Ano ha? Balik kita sa kulungan!” patuloy na biro ni Digong.

Matapos ang kanyang talumpati, agad na nagtungo ang Pangulo sa Manila Hotel kung saan ginanap ang pagdiriwang ng kaarawan ni Erap. Makikita sa tweet ni Pia Ranada, reporter ng Rappler, ang larawan ng mga  dumalong VIP’s tulad nina Dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo, ang dating First Lady at ngayo’y Ilocos Norte Representative Imelda Marcos kasama ang anak at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., dating senador Juan Ponce Enrile, at ang Dating Pangulong si Jejomar Binay.

Ang isa sa mga anak ni Erap na si dating Senador Jinggoy Estrada ang tumanggap sa Pangulo. Si Jinggoy ay pansamantalang nakalaya mula sa pagkakapiit dahil sa kaso ng katiwalian at pandarambong ng umano’y maling paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund o PDAF.

Bukod sa pagbati kay Erap, pinag-usapan din ng dalawa ang mga plano ng pangulo sa bansa kabilang ang pagsawata sa katiwalian, pagpapatuloy ng kanyang kampanya hinggil sa pagpigil sa paggamit ng ilegal na droga, pagpapaunlad sa ekonomiya ng bansa, at usaping pangkapayapaan sa pagitan ng mga rebeldeng Komunista.