Bongbong Marcos, ipapalit kay Sueno sa DILG?

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Binuksan na nga ba ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pintuan para makabalik sa puwesto si dating Senador Bongbong Marcos matapos ang pagkakasibak kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ismael Sueno?

Matagal nang may usap-usapan na si Marcos ang ipapalit sa puwesto ni Sueno bago pa man ang pagkakatanggal ng DILG chief nitong Lunes.

Si Sueno ay sinibak ni Pangulong Duterte matapos masangkot umano sa katiwalian sa departamento, base sa akusasyon ng kaniyang tatlong undersecretary.

Subalit ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, hindi nabanggit ng Pangulo ang posibleng pagkakatalaga ni Marcos bilang kapalit ni Sueno.

“There has been no comment, no mention, and absolutely no reference to him (Marcos) as far as I’m concerned and as far as the Cabinet is concerned,” paliwanag ni Abella.

Nauna nang itinanggi ni Duterte na kukunin niya sa Gabinete si Marcos dahil hindi rin umano interesado sa puwesto ang natalong kandidato sa pagka-bise presidente.

Pormal na tinanggal si Sueno matapos ang pagpupulong ng Gabinete Lunes ng gabi.

Ayon kay Abella, nawalan na ng tiwala si Duterte sa dating kalihim matapos makaabot dito ang mga akusasyon ng diumano’y kurapsyon at  pag-abuso sa kapangyarihan ayon sa sumbong nina John Castriciones, Undersecretary for operations, Jesus Hinlo, Undersecretary for public safety, at Emilie Padilla, Undersecretary for legislative liaison and special concerns.

“The President is very serious about restoring trust in the government. The major implication is that the President will not countenance even a whiff of corruption,” dagdag pa ni Abella.