Cardinal Tagle, Huhugasan ang Paa ng mga Dating Adik, Pulis sa Huwebes Santo

Image from Veritas 846 Image from Veritas 846

Nakatakdang hugasan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga paa ng mga dating drug addict at pulis sa Huwebes Santo, Abril 13, bilang bahagi ng paggunita sa mahal na araw at sakripisyo ni Jesus.

Ilan lamang sila sa 12 na sasali sa taunang “Washing of the Feet” sa Holy Thursday sa Manila Cathedral na pangungunahan ng Cardinal

Ayon sa ulat ng Rappler, kinumpirma ni Father Reginald Malicdem, private secretary ni Tagle na huhugasan nito ang paa ng mga sumusunod: (1) dating drug addict; (2) drug surrenderers; (3) pulis; (4) government officials; (5) volunteers; (6)  mga kamag-anak ng diumano biktima ng extrajudicial killings (EJKs).

Paliwanag pa ni Malicdem, na siya ring Rector ng Manila Cathedral, dalawang katao bawat uri upang mabuo ang kabuuang bilang na 12.

Tuwing Huwebes Santo, ang mga Katolikong pari ay naghuhugas ng mga paa ng 12 katao na kumakatawan sa 12 disipulo ni Jesus Christ. Ang ritwal ay tinatawag na Washing of the Feet na binibigyang-diin ang kahalagahan ng serbisyo.

Nakatakda namang ipaliwanag ni Tagle ang pagpili  ng Archdiocese of Manila sa mga huhugasang paa sa kaniyang homily sa Abril 13.

Ito ang unang Holy week ng Pilipinas sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglunsad ng war on drugs na pumatay diumano sa 7,000 katao.

Nauna nang kinondena ni Tagle ang drug-related killings gayundin ang  illegal drug trade sa bansa.

Kamakailan ay inilunsad ni Tagle ang kaniyang rehabilitation program sa San Juan City kasabay ng kaniyang paalala sa mga kaparian na huwag mangmamaliit ng mga tao.