China, handang tulungan mga mangingisdang Pinoy na malalagay sa peligro sa West Philippine Sea

Image from SCMP

Handa umanong tumulong ang bansang Tsina sa mga mangingisdang Pilipino o kahit sa sino pa man na malalagay sa panganib sa South China Sea (West Philippine Sea).

Sa pahayag ni Luo Jun, ang deputy director general ng Foreign Affairs Office of People’s Government sa Guangdong Province, laging bukas umano ang China para sa makataong pagtulong sa sinumang mahaharap sa aberya sa karagatan. Aniya, may personal na siyang karanasan sa pagtulong sa mga nasuong sa mga bagyo sa South China Sea.

Sa ulat ng GMA, nagbigay umano ng paniniguro si Luo Jun na hindi nagsasara ng pintuan ang China para sa makataong konsiderasyon.

Bilang tugon, nagpasalamat ang Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ng tagapagsalita nito na si Brig. Gen. Restituto Padilla sa alok na tulong ng China, pero kaya naman umano ng Pilipinas na tulungan ang mga Pilipinong mangingisda na malalagay sa balag ng alanganin sa West Philippine Sea.