Comedy Concert Queen Ai Ai Delas Alas, Magbabalik-Kapamilya?

Imahe mula sa InstagramImahe mula sa Instagram

Kumakalat ngayon sa social media na diumano’y muling babalik sa ABS CBN Kapamilya Network ang tinaguriang Comedy Concert Queen na si Ai Ai Delas Alas matapos ang halos dalawang taon sa GMA Kapuso Network.

Nagsimula ang alingasngas matapos ang panayam kay Ai Ai ng PhilStar Ngayon kung saan ay sinabi niyang magwawakas na ang kontrata niya sa Kapuso Network sa Hulyo ngayong taon. Nang tinanong kung muli ba siyang pipirma ng panibagong kontrata, sinabi ng komedyanang hindi pa siya sigurado sa bagay na iyan.

Nakadagdag sa ispekulasyon ng pagbabalik-Kapamilya ni Ai Ai ang pagdalo niya sa isang meeting sa Star Cinema, sister movie company ng ABS CBN noong Disyembre 2016 upang pag-usapan diumano ang mga detalye sa nilulutong pelikula kabilang ang komedyana batay sa pinost niyang larawan sa kanyang Instagram account kasama ang Star Cinema executives.

Matatandaang sumikat nang husto si Ai Ai matapos niyang lumipat noon sa ABS CBN at nagbida sa iba’t ibang teleserye tulad ng My Binondo GirlBituing Walang Ningning, at Dyesebel,  gayundin sa mga pelikula ng Star Cinema gaya ng Ang Tanging Ina na nagkaroon ng dalawang sequel, Ang Tanging Pamilya, Volta, at Sisterakas.

Matapos ang ilang taong pamamayagpag ng kanyang career sa Kapamilya Network, nagpasya si Ai Ai na muling bumalik sa kanyang kauna-unahang home network, ang Kapuso Network, at pumirma ng exclusive two-year contract dahil naging matumal ang kanyang mga proyekto sa kabilang istasyon.

Kabi-kabilang proyekto ang ibinigay sa kanyang paglipat tulad ng teleseryeng Let the Love Begin at Sunday Pinasaya. Naging bahagi rin siya ng Kalyeserye ng Eat Bulaga bilang Lola Baba.

Nagkaroon ng haka-haka ang netizens sa maaaring dahilan diumano ng posibilidad na pagbabalik-Kapamilya ni Ai Ai. Kamakailan lamang ay napabalitang umalis na rin sa Kapamilya Network ang kanyang kaibigang si Kris Aquino na diumano’y nakasamaan niya ng loob, at naging matunog ang paglipat sa Kapuso Network. Sa katunayan, umere na rito ang kanyang bagong travel show na Trip ni Kris noong nakaraang linggo.

“Open naman ako sa lahat kung merong ano sa ABS, o kung may plano ang GMA, o meron din sa Channel 5,  depende. Pero ano muna ako, kumbaga, freelancer. Si Boy (Abunda) na bahala ro’n,” ani Ai Ai.

 

Loading...