Confessed leader ng DDS Arturo Lascañas hindi bumalik ng bansa – Bureau of Immigration

Image by Voltaire Domingo, NPPA

Walang palatandaang nakabalik na ng bansa ang self-confessed lider ng tinaguriang Davao Death Squad (DDS) na si retired Police Officer 3 Arturo Lascañas noong Sabado, ika-22 ng Abril, katulad ng nakasaad sa kanyang return plane ticket.

Ito ang inihayag ng Bureau of Immigration (BI) kasabay ng pagsisimula ng National Bureau of Investigation sa pagsisiyasat nito sa mga diumano’y mga krimeng nagawa ng dating pulis-Davao.

Matatandaang umalis ng bansa patungong Singapore si Lascañas dahil umano sa mga banta sa kanyang buhay. April 22 ang takda niyang pagbabalik ng bansa ayon na rin sa nakalagay sa return plane ticket, pero walang Lascañas na dumating.

Ayon sa ulat ng PhilStar, matapos umanong rebisahin ang immigration database, sinabi ni BI spokesperson Ma. Antonette Mangrobang na walang record na bumalik ng bansa noong Sabado si Lascañas.

Nauna nang sinabi ni Lascañas na kusa siyang babalik sa Pilipinas upang harapin ang kanyang kaso kapag pinatawag siya ng mga awtoridad.

Samantala, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na pinayagang makalabas ng bansa si Lascañas dahil wala pa noong kasong naisampa at wala ring hold departure order laban sa self-confessed DDS leader na nagsangkot kay Pangulong Rodrigo Duterte sa extrajudicial killings sa Davao.