Dalagita patay sa walang habas na pamamaril ng riding-in-tandem sa Tondo

Image capture of video by GMA News

MAYNILA, Pilipinas – Isang 14-anyos na dalagita ang namatay matapos tamaan ng ligaw na bala na nagmula sa walang habas na pamamaril ng riding-in-tandem sa Tondo noong nakaraang linggo.

Nalagutan ng hininga sa pagamutan si Jazelle Justine Mallari, isang honor student, matapos itong tamaan ng bala sa mata habang nakatayo sa tabi ng kalsada sa may Antipolo Street, Barangay 217 sa Tondo, Maynila bandang alas-5:30 ng hapon noong ika-19 ng Abril.

Sa CCTV na ipinalabas lang nitong Martes, makikita ang biktima kasama ng kaniyang mga kamag-anak na katatapos lang maligo sa isang portable na swimming pool. Nakatayo ito sa kalsada nang bigla na lang matumba.

Tinamaan na pala ng bala ang biktima dahil sa pamamaril ng dalawang lalaking nakamotorsiklo. Naisugod pa sa ospital ang dalagita subalit namatay din ito makalipas ang ilang oras.

Sa isa pang kopya ng CCTV, makikita ang mga suspek na paikot-ikot sa paligid malapit sa mga biktima. Lumalabas sa imbestigasyon na may hinahanap itong isang lalaki na nakatira sa lugar.

Nang hindi raw matagpuan ang hinahanap, bigla na lang itong nagpaputok at tumama ang isang bala kay Jazelle.

Hinala ng mga awtoridad, may kinalaman sa droga ang paghahanap ng mga lalaki sa isang nagngangalang ‘Mikoy’ na nang-estafa raw sa kanila.

Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ni Jazelle na siya rin umanong nag-aalaga sana sa kaniyang maysakit na ama.

Pinaghahahanap na ngayon ang mga suspek, na ayon sa pulis, ay pananakot lang marahil ang dahilan kaya nagpaputok ng baril.

Ulat ng GMA News: