Danica, tanggap na raw si Pauleen para sa amang si Vic

Mga imahe mula sa Facebook

Hindi lingid sa kaalaman ng madla ang pagtutol ni Danica Sotto-Pingris — panganay na anak ni Vic Sotto sa dati niyang asawang si Dina Bonnevie — sa relasyon ng kanyang ama sa aktres na si Pauleen Luna. Ngunit ngayon, sa unang pagkakataon, ay inamin ni Danica na tanggap na niya ito bilang stepmom.

Ayon sa GMA News, nakikita raw ni Danica kung paano inaalagaan ni Pauleen ang ngayon ay asawa na niyang si Vic. Ani Danica, masayang-masaya kay Pauleen ang kanyang ama at, maliban dito, mabuti raw ang pakikisama ng aktres sa kanilang lahat.

“Ang galing din talaga ni God kasi ‘yung pagiging close namin ni Pauleen ngayon, hindi namin pinilit. Nangyari lang siya naturally, nakisama siya nang maayos sa aming lahat. Kasi siyempre, doon ko rin nakita kung paano niya alagaan nang mabuti si Daddy. Makikita mo naman si Daddy na he’s happy at okey ang health niya,” wika niya.

Hindi na rin daw naiilang ngayon si Danica kay Pauleen.

“Nawala na ‘yong pagkailang ko kapag nandiyan si Pauleen sa mga family gatherings namin, saad ni Danica. Before nandoon ‘yung awkwardness, kasi nga parang magbabarkada lang kami. Hindi naman siya ‘yong madali naming matanggap…. Ang daming apprehension. Nandoon yung, ‘Uy, ano ba ‘to? Paano ba ‘to?’ Marami akong mga questions. Marami akong gustong sabihin tungkol sa relationship nila pero lahat ‘yun, wala na,” aniya.

“Kasi nagkaroon na ng acceptance, ngayon wala nang ilangan sa amin. I can honestly say na wala na,” nakangiting dagdag niya.

Matatandaan na bago ikasal ang kanyang ama kay Pauleen ay aminado si Danica na naiilang siyang maging stepmom ang aktres dahil mas bata pa ito sa kanya; lalo na raw kapag may family gatherings; aniya, nakakailang kasi parang magkakabarkada lang. Hindi rin daw siya kumbinsido sa relasyon ng mga ito dahil sa 35 taon na agwat ng edad ng kanyang ama dito.