Dating OFW patay sa pamamaril sa Marikina

File photo

MAYNILA, Pilipinas – Patay sa pamamaril ng mga riding-in-tandem ang isang retiradong overseas Filipino worker (OFW) sa lungsod ng Marikina Miyerkules ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Roberto Dumlao, 67-anyos at resident ng Barangay Jesus dela Peña sa nasabing lungsod.

Kuwento ng mga nakasaksi, apat na armadong lalaki na may takip ang mukha at naka-motorsiklo ang nakita nilang huminto sa may tapat ng Capt. Sendo Street bago ito pumasok sa isang iskinita. Makaraan ang ilang sandali umano ay nakarinig na sila ng sunod-sunod na putok ng baril.

Kaagad namang tumakas ang apat na salarin matapos ang pangyayari.

Nagtamo naman ng ilang tama ng bala sa katawan si Dumlao na siya nitong ikinasawi.

Hinala ng anak ng biktima, may kinalaman ang pamamaslang sa kaniyang ama sa nakaalitan nitong isang lalaki noong isang linggo.

Ilang raw lang umano ang nakararaan ay may nakaaway ang biktima at umuwi itong sugatan. Pinagbantaan pa umano ang kanilang ama na bibigyan sila ng problema.

Tinungo naman ng mga pulis ang inuupahang bahay ng sinasabing nakaalitan ng biktima subalit wala na ito doon at mistulang lumayas na kasama ang pamilya.

Kasalukuyan nang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek na hindi pa pinapangalanan habang patuloy pa ang imbestigasyon.

Source :

ABS-CBN News, RMN