Dela Rosa napilitang umurong bilang hurado sa beauty pageant dahil sa utos ni Duterte

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – Napilitang kanselahin ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang kaniyang plano sanang pagdalo sa isang beauty pageant sa Tagbilaran, Bohol dahil sa utos mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nakatakda sanang maging hurado si Dela Rosa sa koronasyon ng ‘Mutya ng Tagbilaran’ na gaganapin nitong darating na Biyernes, ika-28 ng Abril, subalit pinigilan umano siya ng Pangulo dahil nais ng huli na bigyan muna niya ng kaukulang atensiyon ang preparasyon sa kasalukuyang ASEAN Summit.

“He was told by the President not to attend so he can focus on the Asean Summit,” paliwanag ni Tagbilaran City administrator Leonides Borja sa ulat ng Inquirer.

Ang ASEAN Summit ay nagsimula noong Miyerkules, Abril 26 at magtatapos sa Sabado, Abril 29, at ginaganap sa Philippine International Convention Center (PICC) sa lungsod ng Pasay. Dinaluhan ito ng sampung lider mula sa ASEAN.

Halos 4,000 kapulisan at sundalo ang naatasang magbigay ng seguridad sa mga naturang lider na dumalo at ang PNP ang nanguna sa pagplano upang maayos at ligtas na maidaos ang pagtitipon.