Dela Rosa tiniyak na hindi sasapitin ni Supt. Cabamongan ang kapalaran ni Mayor Espinosa

Image from ABS-CBN NewsImage from ABS-CBN News

MAYNILA, Pilipinas – Ipinangako ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na hindi sasapitin ni Police Superintendent Lito Cabamongan ang nangyari kay Albuerra, Leyte Mayor Rolando Espinosa.

Si Cabamongan ang opisyal ng Crime Lab Unit na nahuli sa isang pot session sa loob ng isang bahay sa Everlasting Village, Talon 4, Las Piñas City noong Marso 30. Siya ang itinuturing na pinakamataas na opisyal ng PNP ng kasalukuyang administrasyon na nakulong sa dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Ayon kay Dela Rosa, hindi sasapitin ni Cabamongan ang kapalaran ni Mayor Espinosa na napatay habang nakakulong sa Baybay, Leyte Nobyembre noong nakaraang taon.

“Huwag siyang mag-alala, ‘di kami magka-interes sa kanya. Baka mamaya, ang magka-interes sa kanyang ay iyung mga kasama niya sa kulungan na pinagsisipa niya. Mamaya, maubusan ng pasensya ang mga tao doon,”  ani Dela Rosa.

Ipinagbilin niya na rin umano sa kaniyang mga tauhan na huwag sasaktan si Cabamongan dahil sila ang mananagot sa kaniya kapag may masamang nangyari dito.

Samantala, itinuro ni Cabamongan ang isa pang opisyal na siya umanong supplier ng ilegal na droga na kaniyang pinagkukunan.

Pinangalanan ni Cabamongan ang kaniyang supplier na si Police Chief Inspector Joselito Savares, hepe ng Intelligence Division ng PNP Crime Lab.

Subalit ipinagtanggol naman kaagad si Savares ni Chief Superintendent Aurelio Trampe, Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory Director, na nagsabing matagal na umanong may sama ng loob si Cabamongan sa una.

“Intel officer ko si PCI Savares, whom I tasked to validate all the derogatory info against Cabamongan. The latter has an axe to grind against Savares. So it’s but natural na ‘di ko sanctioned ang activity ni Cabamongan against Savares, who just obeyed my order,” paliwanag ni Trampe sa ABS-CBN News.

Loading...