DILG chief niresbakan ang mga nag-aakusa na tumanggap siya ng payola

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas – May namumuong hidwaan sa pagitan nina Secretary Ismael Sueno at kaniyang mga tauhan sa Department of Interior and Local Government (DILG) tungkol sa umano’y nangyayaring katiwalian sa departamento.

Nauna nang inakusahan nina John Castriciones, Undersecretary for operations, Jesus Hinlo, Undersecretary for public safety, at Emilie Padilla, Undersecretary for legislative liaison and special concerns, si Sueno ng kurapsyon at umano’y pag-abuso sa kapangyarihan.

Kabilang sa alegasyon ng tatlong opisyal ang umano’y pagtanggap ng kalihim ng payola mula sa mga gambling lord sa pamamagitan ng kaniyang apo na opisyal sa Crame na nakilala lamang na si “Senior Supt. Sintin.”

Subalit mariin itong pinabulaanan ni Sueno at sinabing ang tatlong opisyal ang sangkot sa katiwalian at nais lamang ng mga ito na kontrolin siya at ang buong ahensiya.

Wala rin umano siyang tinatanggap na payola at bagkus daw ang tatlong nag-aakusa sa kaniya ang talagang may kinalaman dito.

“May grupong nag-insist na tanggapin ko ang pera sa butas, iyung payola galing sa illegal gambling. Sila mismo ang nag-contact sa gambling lords sa payola. E hindi ko tinanggap,” paliwanag ni Sueno.

Hindi rin umano sangkot ang kaniyang apo sa nasabing aktibidad at hindi rin umano siya mayaman tulad ng gustong palabasin ng kaniyang mga kasamahan.

Maliban sa gambling payola, inakusahan din ng tatlong DILG exec si Sueno ng pagbiyahe papuntang Austria para bumili ng mga firetruck kasama ang kaniyang pamilya at pag-apruba sa isang alkalde na makasama sa US para sa isang official trip tungkol sa ilegal na droga sa kabila ng pagkakasama nito sa listahan ng ‘narco-mayor’ ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kamakailan ay inamin ni Sueno na inilapit niya kay Pangulong Duterte ang pagkakatanggal sa serbisyo ng tatlong opisyal dahil sa kanilang hidwaan.