DOH: Alagaan ang inyong balat ngayong tag-init!

imahe mula sa Googleimahe mula sa Google

Hindi na talaga paaawat ang mga Pilipino  sa kabi-kabilang outing at getaways dahil sa summer kaya nagbigay ng paalala at babala ang Department of Health o DOH sa pangangalaga ng balat ngayong panahong ng tag-init.

Ayon sa DOH, napakahalagang pagtuunan ng pansin ang proteksyon sa balat ngayong summer lalo’t ang labis na init ay maaaring pagmulan ng kanser sa balat.

Ang kanser sa balat o keratinocyte cancer ay isang malalang kondisyon ng balat na maaaring makuha sa labis na pagkabantad sa Ultraviolet rays (katulad ng araw), na ayon sa mga pag-aaral ay 90% ng mga kaso ng kanser sa balat ay dahil dito lalo na sa panahon ngayong matindi ang pag-init ng daigdig o global warming dahil sa labis na pagnipis ng ozone layer.

Pangalawa sa mga rason ang impeksyon gaya ng HIV/AIDS, at pangatlo naman ang pagkabantad sa mga ionizing radiation (katulad ng X-rays) at iba pang kemikal.

Ang labis na pagbababad sa araw ay maaaring magdulot ng pagkapaso ng balat o sun burn na posibleng pagsimulan ng kanser sa balat.

Ayon sa Kalusugan. ph, ang mga simpleng kaso ng nasunog na balat ay maaaring mamula-mula o nangingitim at mahapdi sa simula. Sa paglipas ng ilang araw, ang balat na nasunog ay matutuklap at magdudulot ng matinding pangangati sa balat. Ang pagtuklap ng balat ay magtutuloy-tuloy hanggang sa tuluyang mawala ang mga nasunog na bahagi ng balat. Sa mga mas malalang kaso naman, ang balat ay maaaring mamanas, at magkasugat-sugat na parang paltos, at maaaring makaramdam ng mga sintomas ng lagnat. Kung mas malala pa, maaaring dumanas ng mga malubhang komplikasyon.

Upang maiwasan ang labis na pagkabantad sa Ultraviolet rays ngayong summer, ipinapayo ng mga espesyalista na pakaiwasan ang magbabad sa ilalim ng init ng araw sa pagitan ng 10:00 ng umaga hanggang 3:00 nang hapon lalo na sa katirikan ng araw. Kung nasa beach at hindi maiiwasan, makabubuting sumilong muna sa malililim na mga lugar gaya ng anino ng mga puno, o sa mga cottage.

Makatutulong din ang pagsusuot ng damit na mahaba ang manggas, gayundin ang mahabang pantalon o palda. Kung wala namang mahalagang gagawin sa labas, makabubuting manatili na lamang sa loob ng bahay.

Upang proteksyunan ang outer layer ng balat kung nasa beach man, palengke, o kahit sa loob ng bahay,  makatutulong ang pagpapahid ng sunblock lotion o sunscreen na may mataas na SPF.

Tiyakin ding uminom ng maraming tubig o kumain ng mga prutas at gulay na makatas upang maiwasan ang pagkatuyot o dehydration.