Doktora at isa pang employer, arestado dahil hindi nag-remit ng SSS contributions ng kanilang mga empleyado

Image capture of video by ABS-CBN

Dinakip ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police, sa tulong ng ilang SSS officials, ang isang doktora at isang may-ari ng kumpanya dahil sa hindi nila pagre-remit ng SSS contributions ng kanilang mga empleyado.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, inaresto si Dr. Rhea Liza Henzon, isang pediatrician sa Capitol Medical Center at co-owner ng Silver Stream Publishing Corporation.

Sa pahayag ni SSS Vice President for Legal Enforcement Group Renato Cuisia, ang doktora ay dinakip dahil hindi nito ini-remit ang P1.6 million halaga ng SSS contributions ng kanyang mga kawani mula noong taong 2007 hanggang 2011.

Umabot na umano sa P6 milyon ang dapat bayaran ni Dr. Henzon kabilang na ang ipinataw na penalty sa hindi niya pagre-remit ng SSS contributions ng mga empleyado niya.

Arestado rin ang may-ari ng Skill Power Institute Livelihood Training Corp. dahil sa kaparehong dahilan. Umabot umano sa P500,000 SSS contributions ang hindi ibinayad ng may-ari ng kumpanya na kinilalang si Erlina Benanitan.

Nagbabala naman ang SSS sa mga employers na ugaliin ang pagre-remit ng mga SSS contributions ng kanilang empleyado dahil may kaakibat na parusang pagkakakulong ng mula anim hanggang walong taon sa mga lalabag nito.