Dream Come True: Istorya ng 84-Anyos na “No read, No write” Napili Bilang “Best Life Story” sa Negros

Larawan mula sa Facebook account ni Ramy Entierro

Bawat tao ay may natatanging kuwento. Sa bawat kuwento ay mababakas ang hirap o sayang pinagdaanan sa buhay. Wala na sigurong tatamis pa sa isang  kuwento ng tagumpay at pahuhugutan ng inspirasyon sa buhay.

Ang pagiging  “no read, no write” ng 84-anyos na si Nanay Sayong mula sa lungsod ng Himamaylan, Negros Occidental ay hindi naging hadlang upang mapagtapos ang siyam na mga anak sa pag-aaral sa kabila ng kahirapan ng pamilya.

Sa pamamagitan ni Dodong o Ramy Entierro sa totoong buhay  at ng kaniyang mga kapatid ay idineklarang kampeyon sa “Light at the End of the Tunnel” ng “Kahapon Lamang” program ng Bombo Radyo Bacolod na tumanggap ng P10,000 ang kuwento ng kanilang pamilya.

Superwoman kung ituring si Nanay Sayong. Katuwang ang kaniyang kabiyak ay naging propesyunal ang siyam na anak kabilang na rito si  si Dodong na Outstanding Rice Farmer at naging 2015 Gawad Saka Awardee.

Salaysay ni Dodong, madalas sambitin ng kaniyang ina na magiging “best story” ang kanilang naging buhay.

Kaya naman nang marinig ang timpalak ng “Kahapon Lamang” sa tulong ni Dodong at ng mga kapatid ay kanilang binalikan ang naging istorya ng kanilang buhay, isinaayos upang maibahagi ang kanilang natatanging kuwento.

 Hindi nga nagkamali si Nanay Sayong sa  noo’y kaniyang pinapangarap lamang.

Kay Nanay Sayong, ang Superwoman ng Negros Occidental, isa kang tunay na inspirasyon.