Duterte, inutusan ang AFP na hanapin at patayin ang mga natitirang Abu Sayyaf sa Bohol

Image capture of video by Armed Forces via YouTube

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Armed Forces of the Philippines na hanapin at patayin ang tatlo pang miyembro ng Abu Sayyaf na nananatiling gumagala sa Bohol.

Ito ay matapos ang pagkakapaslang ng mga sundalo sa apat na bandido, kabilang ang lokal na residente na nagsilbing giya ng mga terorista, sa bayan ng Clarin ng nasabing probinsiya noong Sabado, ika-22 ng Abril.

Ayon sa GMA, sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng 2017 Palarong Pambansa sa Antique na hindi dapat huminto ang militar sa paghahanap sa mga nakalalaya pang Abu Sayyaf.

“Diyan sa Bohol, may hinahabol pa sila. I told the military, ‘wag kayong matulog. Hanapin n’yo, patayin ninyo ‘yan. I want them dead. ‘Wag mong ibigay sa akin ‘yan nang buhay,” wika ng Pangulo.

Samantala, sa isang panayam ay sinabi ni Bohol Governor Edgar Chatto na pinaligiran na ng mga sundalo ang mga bayan ng Inabanga at Clarin, kung saan pinaniniwalaang nagtatago ang natitirang mga bandido.

Ayon pa sa gobernador, ang tatlong natitirang Abu Sayyaf ay siguradong nanghihina na dahil sa kawalan ng pagkain.