Eroplanong sinakyan ng Defense chief patungong Pag-asa Island, ilang beses ‘na-warningan’ ng Tsina

Image from Katropa DWDD's Facebook pageImage from Katropa DWDD's Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Ilang beses umanong nakatanggap ng ‘babala’ mula sa tropang Intsik ang eroplanong sinakyan ni Defense chief Delfin Lorenzana na lumipad patungong Pag-asa Island sa West Philippine Sea nitong Biyernes, Abril 21.

Ayon kay Lorenzana, apat (4) na beses silang nakatanggap ng ‘warning’ mula sa tropang Chinese na nakabase sa Subi Reef, halos 15 nautical miles lamang ang layo mula sa Pag-asa.

Subalit, normal lang umano ito bilang bahagi ng ‘standard protocol’ dahil lumabas sa radar ng China ang kanilang sinasakyang eroplano.

“Automatic yun, protocol yan. We also replied that we are flying over Philippine territory… Sagutan lang yan, nothing untoward happened,” kuwento ni Lorenzana.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na dumalaw ang kalihim sa isla na pinaninirahan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea at isa sa pinag-aagawang teritoryo sa lugar.

“Mukhang normal na ginagawa yan eh kung meron tayong ginagawa dito sa South China Sea, or West Philippine Sea or Kalayaan group of islands. Tuwing pumupunta ang aircraft ng supply natin they’re always challenged,” dagdag pa ng opisyal.

Kasamang dumalaw ni Lorenzana sakay ng Air Force C-130 sina Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Eduardo Año, Army chief Lieutenant General Glorioso Miranda, Air Force chief Lieutenant General Edgar Fallorina, at Western Command chief Lieutenant General Raul del Rosario.

Ang nasabing pagbisita sa Pag-asa Island ng mga opisyal ay bahagi ng plano ng pamahalaan na magtayo ng mga pasilidad doon ayon na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Loading...