Furlough ni Jinggoy para makadalo sa kaarawan ni Erap, kinontra ng prosekusyon

Image from Mao Mauricio Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Kinontra ng prosekusyon ang hiling na furlough ni dating Jinggoy Estrada para makadalo sa ika-80 kaarawan ng kaniyang amang si Manila Mayor Joseph Estrada sa darating na ika-19 ng Abril.

Matatandaang humiling muli sa Sandiganbayan si Estrada na makalabas ng kulungan para makadalo sa kaarawan ng kaniyang ama ngayong buwan.

Ipinaalala rin ng dating senador sa korte na maging ang kaniyang ama ay pinayagan nito na makadalo sa ika-99 na kaarawan ng kaniyang lola noong nakakulong pa ito sa kasong plunder taong 2004.

Subalit ayon sa prosekusyon, marami naman daw paraan para mapanood ni Estrada ang naturang okasyon na hindi niya na kailangang lumabas ng selda.

“If accused Estrada truly desires to have a hand in organizing his father’s birthday, he may supervise the same within the premises of his detention place, taking into account the advanced technology today,” giit ng prosekusyon.

Bilang sagot sa argumento ni Estrada, ipinaalala rin ng prosekusyon na ilang beses nang tinanggihan ng korte ang kahilingan ng dating mambabatas para makalabas tulad na lamang noong kaarawan mismo nito noong Pebrero 2015, Pasko at Bagong Taon noong 2014, libing ng namayapang German Moreno noong 2016 at sa kaarawan ng kaniyang inang si Loi Ejercito noong 2015.

“No plausible and cogent reason exists for this Honorable Court to depart from the ratio decidendi of its previous rulings,” paliwanag pa ng prosekusyon.