[Panoorin] Ginalingan! Estudyante humakot ng 58 medalya nang magtapos sa elementarya

Image capture from Joshua Santiago's video via FacebookImage capture from Joshua Santiago's video via Facebook

MAYNILA, Pilipinas – Kumakalat ngayon sa social media ang video ng isang estudyante na nagtapos sa elementarya at humakot ng mahigit 50 medalya.

Kinilala ang estudyante na si Joshua Santiago na katatapos lamang ng elementarya sa Mabiga Elementary School sa Mabalacat, Pampanga nitong buwan.

Sa kabuuan, 58 medalya ang tinanggap ni Joshua sa entablado para sa kaniyang academic at athletic achievement sa kaniyang paaralan.

Paliwanag ng kaniyang ina, napagpasiyahan umano ng eskuwelahan na igawad ang lahat ng karangalang natanggap ng estudyante bilang bahagi ng kaniyang graduation.

“Minabuti po ng Mabiga Elementary School na igawad ang lahat ng medalya na kaniyang natanggap bilang bahagi ng kaniyang pagtatapos sa elementarya, at pagkilala na rin po bilang kauna-unahang estudyante ng Mabiga Elementary School na nagtamo ng parangal bilang Atleta ng Taon,” anang nanay ni Joshua.

Humanga naman ang mga netizen sa dami ng nakuhang medalya ni Joshua at ang karamihan ay halos hindi makapaniwala dito.

Nagviral kaagad ang video na ibinahagi mismo ni Joshua sa kaniyang Facebook account.

Sa kasalukuyan, mayroon na itong halos 1.8-M views, mahigit 46,000 likes at mahigit 21,000 shares simula nang i-upload ito noong ika-7 ng Abril.

Panoorin: