Hindi materyal na bagay ang regalo ni Daniel kay Kathryn sa kanyang kaarawan

Image from FacebookImage from Facebook

Nang nakaraang buwan ay ipinagdiwang ni Kathryn Bernardo ang kanyang ika-21st birthday kasama ang onscreen partner at napapabalitang nobyo na si Daniel Padilla sa El Nido, Palawan.

“Magkasama naming pinanood ang sunset, nag-dinner sa sand bar, at magkasamang nag-star gazing,” pagbabalik-tanaw ni Kathryn. “Ilang taon na akong nag-celebrate ng birthday na kasama siya. Pero ito ang pinaka-espesyal sa lahat because we were able to go island-hopping with close friends.”

Dagdag pa niya: “Pagkatapos ng lahat ng hirap namin habang ginagawa ang ‘Can’t Help Falling in Love’, sulit ang apat na araw namin sa Palawan. Nakumbinsi ko rin ang mommy ko na ituloy namin ang planong ito na noon pa namin pinlano.”

Nabanggit din ni Kathryn na kagaya ng ibang magulang, sobrang nag-alala ang mommy niya sa kanyang kaligtasan.

Aniya: “Artista ka man o hindi, kailangan mo pa ring ipaalam sa mga magulang mo kung ano ang mga plano mo at kung sino ang mga makakasama mo.”

Masaya ring ipinahayag ni Kathryn na labis niyang nadama ang buong pagmamahal sa kanya ng pamilya at mga kaibigan sa kanyang kaarawan, lalo na ang ipinakita ni Daniel sa kanya. Gumising ang aktor ng alas-siyete ng umaga para samahan siya sa island-hopping at snorkeling.

Iginiit naman ni Daniel na: “Hindi materyal na bagay ang regalo ko kay Kathryn. Masaya ako na na-appreciate  niya ‘yung effort ko na samahan siya sa El Nido.”

Ngayong 21 na siya, umaasa si Kathryn na masusundan pa ng mga mature roles ang gagampanan niya, gaya ng bago niyang proyekto na “Can’t Help Falling in Love,” sa panulat ni Mae Cruz-Alviar na mapapanood sa mga sinehan sa Abril 15.

Siya at si Daniel ay mag-uumpisa na ring mag-shooting sa “La Luna Sangre”,  ang pangalawang sequel ng pantaseryeng “Imortal” kung saan ay makakasama nila ang magagaling na aktor at aktres na sina John Lloyd Cruz at Angel Locsin na kapwa talent din ng ABS CBN.

Sa mga Kathniel fans, siguradong may panibago na namang aabangan mula sa isa sa mga pinakasikat na loveteam ng henerasyon!