Hindi umano makatatanggap ng tulong pinansiyal mula sa Gobyerno ang 2 Pinoy na namatay sa Abu Dhabi

Imahe mula sa google map

Ayon sa huling inilabas na Police report hinggil sa aksidenteng kinasangkutan ng anim na Pinoy mula sa Dubai na ikinamatay ng apat at ikinasugat ng dalawa noong Biyernes Santo sa Al Shahama, Abu Dhabi, lumabas na nasiraan ang sasakyang lulan ang mga Pilipino sa kalagitnaan o pangatlong lane ng highway; taliwas sa unang napabalitang nasa shoulder lane ang sasakyan matapos umanong pumutok ang gulong.

Ani Consul General Paul Raymond Cortes ng Philippine Consulate sa Dubai at Northern Emirates, ang apat sa mga nasawi ay bumaba upang suriin ang diprensya ng sasakyan nang biglang may paparating na behikulo ang bumangga sa kanila na kanilang ikinatilapon at posibleng naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Dagdag pa ni Cortes, kailangang hintayin pa rin ang medical report upang malaman kung ano talaga ang totoong sanhi, ngunit ayon sa pulisya, malinaw na ganoon umano ang nangyari.

Kinilala ang mga nasawi na sina Veronica Dulay, 39; Paulo Paraiso, 33; Marvin Mendoza, 27; at Lord Christian Asuncion Elli, 29. Malubha namang nasugatan sina Mary Ann Mendoza na kapatid ni Marvin at kasintahan ni Paraiso na si Ana Paula Paulino na sa kabutihang palad ay kapwa na nagpapagaling ngayon sa Al Rahba Hospital sa Abu Dhabi.

Dagdag pa ni Cortes, ang anim na Pinoy ay nakatira at nagtatrabaho sa Dubai at ang embahada at konsulado ay nagtulungan upang makontak ang mga pamilya at employers  ng mga ito.

Sa kabilang dako, malungkot namang ipinahayag ni Labor Attache Felicitas Bay ng Philippine Overseas Labor Office na dalawa lang sa apat ang maaaring makatanggap ng tulong pinansiyal mula sa gobyerno sa kadahilanang paso na at wala umanong OWWA membership record ang dalawa pang biktima.

Paliwanag ni Bay: “Ito ay aksidente. Meron ‘yang death benefit na P200,000 at meron ding funeral expenses na P20,000. Of course, OWWA will require the submission of documentary requirements. At gagawin po namin ang lahat to help all the casualties.”

Masakit man para sa pamilya ng mga namatay, puspusan pa rin diumano ang pakikipagtulungan ng mga ito sa embahada sa Abu Dhabi, sa konsulado, maging sa POLO sa Dubai, at Northern Emirates hinggil dito.

Source :

ABS CBN, Inquirer