Human Rights, Natuklasan ang ‘Lihim na Kulungan’ sa Tondo, Maynila; 11 Katao, Nakakulong

Larawan mula DZMM TeleRadyo via Facebook pageLarawan mula DZMM TeleRadyo via Facebook page

Tondo, Maynila –  Natuklasan ng Commission on Human Rights (CHR), nitong Huwebes, ang isang ‘lihim na kulungan’ sa loob ng Manila Police District Station 1 kung saan nakakulong ang 11 katao.

Nakarinig ang CHR ng katok mula sa isang aparador habang nag-iinspeksyon sa loob ng pulisya at doon nila natagpuan ang isang tagong pintuan kung saan nila nakita ang mga nakakulong.

Maliit ang nasabing kulungan at wala rin itong kuryente.

Sinasabi ng mga nakakulong na humihingi diumano ang mga pulis ng P40,000 hanggang P200,000 sa kanilang mga kamag-anak upang sila ay palayain, saad sa ulat ng State of the Nation.

Ayon sa mga nakakulong, diumano’y pinahihirapan sila ng mga pulis at pinaamin sa krimen na hindi nila ginawa. Dagdag pa nila, isang linggo na silang nakakulong, hindi raw sumasailalim sa inquest proceedings at wala rin sa listahan ng police blotter.

Sa pahayag ng CHR, isang ‘tip’ ang kanilang natanggap hinggil sa lihim na kulungan.

Naging emosyonal ang ilan sa mga nakakulong nang nakita nila ang mga tauhan ng CHR. Inabutan din ng CHR ang tatlong tao na ‘pinoproseso’ ng mga pulis, ayon sa ulat ng DZMM.

Itinanggi naman ni Supt. Robert Domingo, hepe ng Manila Police District Station 1, ang mga alegasyon ng mga nakakulong. Ipinaliwanag din ng mga pulis na siksikan sa kulungan at pansamantala ay doon muna nila ikinulong ang mga nahuhuli.

Hindi naman hinayaan ng mga pulis na dalhin ng CHR ang mga nakakulong.

Iginiit din ng mga pulis na ang mga ito ay naaresto nitong Huwebes lang ng umaga.

 

 

Source :

GMA, ABS-CBN