Ibinunyag ng aktor na si Albie Casiño ang mga paghihirap niya sa sakit na dyslexia

Imahe mula sa Instagram

Kabilang ang aktor na si Albie Casiño sa gaganap sa isa sa mga survivor ng  “Yolanda” sa pelikulang “The Complex”. Sa kabila nito, ipinahayag ng aktor ang iniindang sakit na dyslexia na nadiskubre noong grade-one pa lamang ito.

“Hirap akong makabasa hanggang sa tumuntong ako sa grade 4,” pahayag ng aktor sa isang panayam ng Inquirer. “Mahusay ako sa oral recitations, pero pagdating sa pagbabasa, hirap ako.”

Sa kabutihang-palad, todo suporta ang pamilya ng aktor sa kanya. “Pinaaral ako ng mga magulang ko sa magagandang eskuwelahan at binigyan nila ako ng tutors upang mas matutukan ko ang aking pag-aaral,” dagdag pa ng aktor.  “Kaya mong labanan ang sakit na dyslexia. Importante lang na aware ka sa sakit na ito para alam mo kung paano ito labanan at harapin.”

Nalagpasan naman di-umano ng aktor ang mga hirap na narasanan sa sakit na ito, pero aminado siya na medyo hirap siya sa pagbabasa at pagme-memorize ng mga linya sa scripts.

“May mga ibang direktor na hinahayaan akong gumamit ng sarili kong linya, pero may iba rin na istrikto pagdating sa pagde-deliver ng mga linya na sinulat nila,” paliwanag ng aktor na dinugtungan ng: “Kailangan ko lang na mas paghusayin ang aking ginagawa.”

Samantala, ang modelong kasintahan ng aktor na si Michelle Arceo ay nagbigay kamakailan lamang ng libro sa nobyo na isang nobela na may pamagat na “Diary of an Oxygen Thief” na labis na ikinasorpresa ng aktor nang matapos itong basahin.

Aniya: “Manipis lang ‘yon na libro na humigit-kumulang isang-daang pahina lamang. Pero natapos ko itong basahin.”

24-anyos lang si Casiño pero hindi maikakailang marami na rin siyang mga pinagdaanan sa buhay na higit pa sa mga mas nakatatanda sa kanya.

Bilang isang tinedyer, nariyang nagkaroon siya ng tila masalimout na relasyon sa aktres na si Andi Eigenmann. Sa murang edad, natsismis siya sa iba-ibang pahayagan na di-umano’y ama ng anak ng aktres na si Ellie.

Ngunit sa paglipas ng panahon, nalaman din ng publiko kung sino talaga ang tunay na ama ni Ellie – si Jake Ejercito –  na ngayo’y nakikipaglaban sa korte para sa kustodiya ng anak.

Natutunan ni Casiño sa karanasang ito na laging makikinig sa mga magulang. “Kinse anyos pa lamang ako noon nang makilala ko si Andi. Nag-date kami hanggang tumuntong ako ng disiotso. Gaya nang inaasahan, hindi naging masaya ang mga magulang ko sa naging desisyon ko,” pagbabalik-tanaw ng aktor. “Nasa high-school pa lamang kami noon. Sa edad na disisiyete, nagsimula na akong magtrabaho at kumita ng sarili kong pera. Inakala ko noon na adult na ako. Kapag bata ka pa, pakiramdam mo alam mo na ang lahat.”

Gayunpaman, ipinagmamalaki ng aktor na ang buong karanasang ito ang nagturo sa kanya para maging mature. “Araw-araw kong dinadala ang mga iyon at hindi ko masyadong iniisip,” sagot ng aktor sa mga intriga tungkol sa hiwalayan nila ng dating nobya na si Andi. “Pero ngayon, I’m more mature compared before.”

Sa kanyang pagpasok sa showbiz, inamin ng aktor ang mga hirap na kanyang pinagdaanan bilang baguhan. Nakabilang din siya noon sa mga pelikulang “Shake rattle & Roll 14”, “Aswang”, at “Pwera Usog”.

Ang kanyang latest project na The D5 Studio online series, “The Complex” ay isang mystery thriller din na idinirehe ng Direktor na si Prime Cruz na mapapanood sa D5 Studio’s YouTube channel and portal ang 10-episode’s nito sa darating na Black Saturday, April 15.

Sa nasabing series, gagampanan ni Casiño ang role ng isang nurse na nakaligtas sa Supertyphoon “Yolanda”; kung saan siya ay lumipat mula Tacloban patungong Manila. Dito niya mararanasan ang iba’t ibang mga nakakatakot na karanasan sa kanyang bagong pad.

Iginiit ni Casiño na: “Lahat tayo ay may dark side. Kahit ako man, inaamin kong may temper din lalo na kapag naglalaro ako ng video games.”

Sa mga bagong fans ng aktor, muli nating matutunghayan si Casiño sa kakaibang pagganap sa bago niyang proyekto na malapit na nating mapanood!