Imahe nina Hesukristo, Birheng Maria at Santa Veronica Sa Cebu, “lumuha” ng dugo

Image from Vilma Andales Image from Vilma Andales

Laking gulat ng caretaker ng isang ancestral house na pag-aaari ng Sandiego family sa Carcar City sa Cebu nang matagpuan niyang may bakas ng dugo ang isang laminadong imahe ni Hesuskristo kasama si Birheng Maria.

Ayon sa Bombo Radyo, sinabi umano ni Ricky Nabua na kinilabutan siya sa nakitang dugo sa larawan na may dugong tila dumaloy sa mga mata ng mga imahe ng Birheng Maria at Hesukristo. Bukod sa laminadong larawan, ang rebulto ni Santa Veronica, na diumano ay mahigit 130 taon na ang tanda at pag-aari din ng Sandiego family, ay “lumuha” rin ng dugo.

Sa kuwento ni Val Sandiego, hindi iyon ang unang pagkakataon na nakitaan ng “luhang dugo” ang imahe ni Santa Veronica. Minabuti nila umanong sila lang ang nakakaalam sa pangyayari, ngunit sa pagkakataong ito raw ay napagdesisyunan nila na ibahagi sa publiko ang nasabing “pagluha.”

Dagdag pa ni Val, hati raw ang pananaw ng mga tao sa insidente. May naniniwalang isa iyong milagro at meron ding nagdududa. Pakiusap lang niya, huwag sanang pagkaguluhan ang imahe ni Santa Verionica na kasama sa gagawing prusisyon sa kanilang parokya bilang bahagi ng mga aktibidad sa Biyernes Santo.