Joshua Garcia at Julia Barretto, May Bagong Pelikula sa Direksyon ni Jadaone

imahe mula sa Instagramimahe mula sa Instagram

Nakatakdang magkaroon ng bagong pelikula ang tambalang Joshua Garcia at Julia Barretto sa ilalim ng Star Cinema kasunod ng matagumpay nilang pelikulang “Vince and Kath and James” na kabilang sa mga opisyal na kalahok sa katatapos na Metro Manila Film Festival noong 2016.

Wala pang ibinubunyag sa magiging pamagat o magiging istorya ng pelikula, subalit siguradong ang direktor ng VKJ na si Antoinette Jadaone ang magdidirehe ng pelikulang ito.

“Sobrang excited na ako. Hindi lang sa character. Excited ako maka-work si direk. Siyempre magsasama ulit kami ni Julia,” saad ni Garcia.

“More than anything, we are just very thankful, full of gratitude kasi malaki ‘yung trust na binigay sa amin ni Josh. We just want to make the most out of it. We don’t want to let anyone down. Sana maging proud pa rin sila sa gagawin naming project,” sabi naman ni Barretto.

Ang tambalang Joshua-Julia ay isa sa mga kinakikiligang teen loveteams sa kasalukuyan.

Si Joshua Garcia ay produkto ng reality show na Pinoy Big Brother All-In noong Abril 27, 2014 na nakilala sa taguring “Tatay’s Boy ng Batangas.” Matapos ang PBB, pinasok niya ang pag-aartista sa ilalim ng Star Magic. Nagsimula ang kanyang pag-arte sa teleseryeng Nasaan Ka Nang Kailangan Kita noong 2015, na nasundan pa sa iba’t ibang programa gaya ng Ipaglaban Mo, Maalala Mo Kaya at The Greatest Love sa ABS CBN Kapamilya Network. Unti-unting napansin ang malaking pag-unlad sa paraan ng pag-arte ni Joshua, na inihahalintulad kay John Lloyd Cruz.

Nananalaytay naman sa dugo ni Julia Barretto ang pagiging mahusay na artista dahil sa kanyang mga magulang na sina Dennis Padilla at Marjorie Barretto, gayundin ang kanyang mga tiyahing sina Gretchen at Claudine Barretto. Unti-unti siyang nakilala dahil sa kanyang kagandahan at kahusayan sa pag-arte na nasilayan sa mga palabas na Kokey, Maalaala Mo Kaya, Mirabella, I love You So at A Love to Last sa Kapamilya Network.

Tiniyak naman ni Direk Antoinette Jadaone, na naging direktor din ng pelikulang That Thing Called Tadhana at ng mga teleserye ng tambalang Jadine (James Reid at Nadine Lustre) na On the Wings of Love at ‘Til I Met You, na naiibang kuwento ng pag-ibig na hindi pa nararanasan ng millenials sa kasalukuyan.

“A great love na kakaiba. Akala natin sa start, nag-umpisa lang sa pagkagusto sa aliens pero much more than that ‘yung nangyari,” ani Jadaone.

Nagbigay naman ng pahayag si Julia sa mga tagahanga ng tambalan nila ni Ronnie Alonte na hindi kabilang sa kanilang bagong proyekto.

“I think it’s normal for such things to happen but the beauty of that is habang ginagawa namin ni Josh ‘yung pelikula na ito, meron kaming ‘A Love to Last’ ni Ronnie. May aabangan pa rin ‘yung supporters namin on TV, and with Josh naman on the big screen. Maganda naman ‘yung balance na nabibigay ng management for both love teams,”ani Barretto.

Bagama’t aminadong close sila sa isa’t isa, nilinaw nina Joshua at Julia na walang anumang namamagitan sa kanilang dalawa.