Kaawa-awa! 6-buwang Gulang na Sanggol Niyakap ng Ina, 2-anyos Inihagis sa Labas ng Bintana Mailigtas Lamang sa aksidente

Imahe mula sa video ng ABS CBN

Walang ina na gugustuhing malagay sa ganitong sitwasyon. Inang handang ibuwis ang buhay alang-alang sa kapakanan ng  mga anak.

Mahigpit ang pagkakayakap ng ina sa kaniyang 6-buwang gulang na sanggol habang inihagis naman umano sa labas ng bintana ang isa pang anak na 2 taong gulang upang mailigtas sa pagkahulog sa bangin ng bus ng Leomarick Trans sa Capintalan, Carranglan, Nueva Ecija nitong Abril 18.

Isa lamang ito sa kuwento ng maraming nasawi mula sa trahedya sa bus na kumitil ng maraming buhay.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, ani Gng. Arlene Sarjes na ang sanggol na si John Melvin ay niyakap ng kanyang ina na si Crisha Joy Teves-Llamas habang ang  kapatid na si Louie Jay na nakakalong ay inihagis naman sa bintana ng kanyang tita na si Dyesabel Llamas.

Nagtamo ng bali sa paa ang sanggol habang ang 2-anyos na kuya niya’y may gasgas sa noo  na kapwa makalalabas na anumang oras sa magkahiwalay na ospital sa bayan ng Bambang at Bayombong, Nueva Vizcaya.

Kapwa namatay sa trahedya  sina Crisha Joy, 20, at Dyesabel, 21, na nakatakda nang iuwi ang mga bangkay sa kanilang mga kaanak.

Driver ang mister ni Crisha Joy na si John-john Llamas ng Guimba,  Nueva Ecija.

Salaysay ni  Gng. Sarjes, galing sa Santiago City at pauwi sana sa Nueva Ecija ang mag-iina at ang hipag na si Dyesabel.

Si Crisha Joy ay dumalaw sa kaniyang biyenan sa Santiago City at nang pauwi na sa Nueva Ecija ay inaya si Dyesabel na magtungo sila sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, upang dumalo sa graduation ng isa nilang kaanak.

Nitong Abril 18, maagang nagising si Crisha Joy. Masaya rin siya at pinilit na sumama sa kanila si Dyesebel; dagdag pa ni Mrs. Sarjes.

Kahapon pa sana maiuuwi ang mga bangkay nina Crisha Joy sa Casiguran, Aurora, habang si Dyesabel ay sa Nueva Ecija ngunit sinabihan silang hintayin si Pangulong Rodrigo Duterte upang mabigyan ng tulong pinansiyal.

Hindi natuloy ang pagbisita ng Pangulo kaya naman nagpasya ang pamilya Llamas na iuwi na ang bangkay ng mga biktima kapag nakuha na ang mga kailangang dokumento tulad ng death certificate.

Ayon kay Gng. Arlene Sarjes, wala pa silang natatanggap na tulong pinansiyal mula sa may-ari ng Leomarick Trans.

Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ay nangako naman ng tulong.

Samantala humihingi naman ng kapatawaran sa lahat ng kaanak ng mga nasawi ang pamilya ng driver ng bus na nasawi rin sa naturang insidente.