Kampo ng Abu Sayyaf sa Basilan na may halos 40 bunkers, nakubkob ng militar

Image from Marilyn delos Santos

Nakubkob ng mga sundalo ang isang malaking kuta ng mga Abu Sayyaf sa bulubunduking bahagi ng Basilan.

Ayon sa Bombo Radyo, inihayag ni Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., ang commander ng Western Mindanao Command, na partikular na nakubkob ng mga sundalo mula sa 68th Infantry Battalion ng Philippine Army ang nasabing kuta sa Barangay Cabcaban sa bayan ng Sumisip ng nasabing probinsiya.

Tumambad umano sa mga sundalo ang 38 bunkers o mga lagusan sa ilalim ng lupa at tatlong guard posts sa palibot ng nasabing kuta ng mga bandido.

Samantala, sa bayan ng Malusong sa Basilan pa rin, nakarekober naman ang 3rd Scout Ranger Battalion katulong ang Civilian Active Auxilliary ng isang 7.62mm single shot rifle, shotgun, BDA uniform, ibat’ ibang uri ng mga bala at Icom radio.

Sabi pa ni Galvez, patuloy ang pag-abante ng mga sundalo sa mga kuta at teritoryo ng Abu Sayyaf. Magiging mas lalo pa umano silang agresibo sa kanilang operasyon laban sa mga bandido, lalo na at napag-alamang sangkot rin ang mga ito sa kalakalan ng ilegal na droga.

 

Source :

Bombo Radyo, DWIZ