Kanong missionary, minolestiya ang 2 bagets na lalaki

Imahe ni Filipe Frazao via Shutter StockImahe ni Filipe Frazao via Shutter Stock

Isang American missionary ang posibleng maharap sa kasong pangmomolestiya na isasampa sa kanya dahil umano sa pang-aabuso sa dalawang menor de edad  na lalaki habang sila’y nasa isang beach resort sa Barangay Bayabas, Cagayan de Oro City kamakalawa, ayon sa ulat ng Abante.

Kasalukuyan nang nakapiit sa detention cell ng Cagayan de Oro City Police ang suspek na si Christian Esquirdo, 39, tubong Las Vegas, Nevada, USA at pansamantala lang na naninirahan sa Zone 4, Barangay Agusan ng CDO City at konektado sa Mindanao Life Church; isang religious group sa nasabing lugar.

Ayon sa ulat ni Chief Insp. Ritchie Salva, hepe ng Carmen Police Station, inaresto si Esquirdo matapos itong makita ng ilang residente na hinalikan ang isa sa mga biktima. Sa Bombo Radyo ay sinabi na ang misyonaryo at ang mga kabataan ay dinala sa himpilan upang makunan ng pahayag.

Giit ng suspek bilang depensa, isinailalim lamang nito sa pray-over ang mga kabataan, kaya nito dinala sa nasabing beach. Mariing itinanggi ng suspek ang paratang sa kanya na minolestiya niya ang mga bata.

Kapag napatunayan sa korte, mahaharap sa kasong pangmomolestiya ang kanong missionary.