Lalaki bugbog sarado sa mister ng babaing binosohan at kinuhanan pa ng video

Image from ABS-CBN News

MAYNILA, Pilipinas – Bugbog-sarado na, kalaboso pa ang kinauwian ng isang lalaki na naaktuhang namboboso sa isang babae sa bayan ng San Nicolas, Ilocos Norte nitong Martes.

Napag-alaman sa ulat na nahuling naninilip ang suspek na si Lucky Lourence Castro, 29 anyos, sa isang ginang subalit minalas ito matapos makita ng asawa ng babae.

Ayon kay SPO1 Rusella Corpuz, imbestigador sa kaso, papunta na sana ang mister ng biktima para magbenta sa kanilang sari-sari store nang maaktuhan nito si Castro na nakapatong sa lababo na may hawak na cellphone at sinisilipan ang kaniyang asawa.

Bago ang pangyayari, magkainuman pa ang mister at ang suspek hanggang sa sundan nito sa banyo ang ginang na nagpaalam na iihi lamang.

Nagtangka pang tumakas si Castro subalit naabutan ito ng asawa ng babae sa tulong ng mga taumbayan. Bugbog sarado sa mga tao si Castro na ngayon ay nahaharap din sa kasong Republic Act 9995 o ang “Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009”.

Narekober naman sa suspek ang halos 18-segundong video na binura na ng biktima.

Kasalukuyang nakakulong sa Ilocos Norte provincial jail ang naturang ‘peeping tom’ habang inihahanda ang kaso laban sa kaniya.