Lalaki na Ginilitan ng Leeg ng Kapatid ng Kanyang Live-in Partner, Patay

File photo

(Quezon City, Philippines) Isang lalaki ang namatay matapos gilitan sa leeg ng kapatid ng kanyang live-in partner sa Santa Barbara Street, Barangay Gulod dahil sa hindi pagkakaunawaan.

Kinilala ang suspek na si Asanulin na galing pa ng Mindoro. Aniya, susunduin sana niya ang kanyang kapatid na babae upang iuwi sa kanilang probinsya.

Sa pagkikita nina Asanulin at ng kanyang kapatid ay nakita niya na kasama nito ang nakilalang si Sedi sa iisang bahay.

Saad ng mga kapitbahay na nagsasama na ang mga ito bilang mag-asawa.

Kinompronta ni Asanulin si Sedi at tinanong ang tunay na relasyon nila ng kanyang kapatid.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, taliwas umano sa paniniwala ng mga Maranao ang gawain ng mag-live-in partner at dapat ay ipinakilala at ipinaalam muna ni Sedi ang kanyang plano sa mga magulang nina Asanulin.

Matapos aminin ni Sedi ang relasyon nito sa kapatid ni Asanulin, nakiusap umano si Asanulin kay Sedi na lumipat muna ng bahay dahil nilalabag nila ang kanilang kultura bilang Maranao.

Nagkasagutan sina Asanulin at Sedi at nauwi sa pagkamatay ni Sedi.

Ikinuwento ni Asanulin, na kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya, ang buong pangyayari.

Ang pulisya ay tumangging magbigay ng panayam hinggil sa insidente.

Source :

ABS-CBN