Magkapatid arestado sa ‘pagchop-chop’ ng kanilang kaibigan sa Rizal

Mga Imahe mula sa San Mateo Municipal Police Station

MAYNILA, Pilipinas – Arestado ang magkapatid sa San Mateo, Rizal na pangunahing suspek sa pagpatay sa isang lalaki na inakusahan nilang nagnanakaw umano ng mga gamit sa kanilang bahay.

Kinilala sa ulat ng Inquirer ang mga suspek na sina Reynaldo Chai III, 17, at Reynaldo Chai IV, 16, kapwa residente ng 7 Paraiso St., Barangay Ampid, San Mateo; habang ang biktima naman ay nakilalang si  Lyndon Masinsin, na kanilang kaibigan.

Nahukay sa isang bakanteng lote ang bangkay ni Masinsin na nakapasok sa isang drum. Kasama ring nahukay ang mga gamit na pinaniniwalaang ginamit ng magkapatid sa pagpatay sa biktima tulad ng mga lagare, itak, gunting sa yero at palakol.

Pinaniniwalaang pinatay muna si Masinsin bago pinagpuputol ang katawan nito saka ibinaon.

Nauna nang iniulat ng magulang ng biktima na nawawala ang kanilang anak noong Abril 3. Ayon sa mga awtoridad, pinatay si Masinsin noong Abril 1, bandang alas-7 ng gabi pa.

Duda rin ang mga pulis na baka gumagamit ng marijuana ang magkapatid lalo pa’t sila lang ang nakatira sa kanilang bahay dahil matagal nang pumanaw ang kanilang ama habang OFW naman ang ina.

Iginiit naman ng mga suspek na matagal na silang pinagnanakawan ng mga gadgets ni Masinsin kaya nila ito napatay, ayon sa isang Facebook post.

Samantala isa pang suspek na nakilala lamang sa pangalang ‘Lance’ ang pinaghahahanap na rin ngayon ng mga pulis.