Magsasaka, Nasawi Matapos Atakihin ng mga Bubuyog  

Larawan mula sa ABS CBN Facebook PageLarawan mula sa ABS CBN Facebook Page

Patay ang isang magsasaka matapos atakihin ng mga bubuyog sa bulubunduking lugar ng Barangay Manalpac sa Solsona, Ilocos Norte nitong Abril 26 ng umaga.

Ang biktima ay kinilalang si Orlando Tejada,  isang magsasaka at residente ng Barangay Manalpac.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagtungo sa Mount Mabilag ang biktima kasama ang walo pa nitong kaibigan upang manguha ng mga beetles at taro plants malapit sa  mountain river nang aksidenteng madistorbo ang isang beehive.

Nais tulungan ng mga kasama nito ang biktima ngunit inatake rin sila ng mga bubuyog kaya minabuti na lamang nilang tumakbo upang makatakas at doo’y naiwan si Tejada, ayon sa ulat ng ABS CBN.

Patay na si Tejada nang balikan nila ito na nalunod pa sa ilog na kasinglalim ng tuhod.

Paniwala ng mga pulis na naparalisa ng multiple bee stings  ang  iba’t ibang bahagi ng katawan ni Tejada na nagresulta sa pagkalunod nito sa ilog.

Ayon kay Jane Galvez, isang beterinaryo, nakalalason  at nakamamatay ang mga honey bee sting. Aniya, huwag daw dapat hawakan o istorbohin ang mga beehives lalo na sa mga wild at bulubunduking lugar.

Mayroon siyang sting. ‘Yung sting na ‘yun, it produces certain substance na magko-cause ng paralysis, nervous system ang tinatamaan niya,” paliwanag ni Galvez.