Mahigit 200 empleyado ng Immigration, balak nang mag-resign

Image from Newsportal.phImage from Newsportal.ph

MAYNILA, Pilipinas – Nahaharap ngayon sa krisis ang Bureau of Immigration (BI) dahil sa dami ng mga empleyadong hindi na pumapasok at gusto nang tuluyang magbitiw dahil sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto ang pagbabayad sa kanilang overtime pay.

Matatandaang ilang linggo nang mahaba ang pila sa mga Immigration counter sa mga terminal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa kakulangan ng mga empleyado ng ahensiya. Karamihan sa kanila ay nagpasiyang mag-leave muna o kaya ay hindi na pumapasok dahil sa pagkadismaya sa utos ng Pangulo.

Sa panayam ng DZMM kay Red Mariñas, ang hepe ng Port Operations Divison ng BI, mahigit 200 empleyado na ng ahensiya ang nagpapahiwatig na magre-resign at humihingi na ng mga certificate of employment na karaniwang kailangan para makapaghanap ng trabaho.

Nagrereklamo ang mga empleyado ng Immigration dahil basic pay na P16,000 na lamang ang kanilang natatanggap ngayon hindi katulad noong mga nakaraang buwan na halos umaabot sa P30,000 hanggang P50,00o ang kanilang take-home pay.

Ayon naman sa isang lider ng union, posible talagang magkaroon ng mass resignation sa ahensiya dahil hindi na kakayanin ng ibang empleyado na pagkasyahin ang kanilang mga suweldo.

“More is coming if our appeal to the President is not favorably acted upon”; ito ay ayon sa text message ni Gregorio Sadiasa ng Buklod-CID na ipinadala sa Rappler.

Sa kabila nito, nanindigan naman ang gobyerno na hindi nila ibibigay ang hinihiling na pagbabalik ng OT pay ng mga empleyado dahil labag umano ito sa batas.

Loading...