Mahigit 30 miyembro ng Maute Group, patay sa bakbakan – AFP

Image from Daily MailImage from Daily Mail

MAYNILA, Pilipinas – Tatlong dosenang miyembro ng Maute Group umano ang napatay ng mga militar sa halos 3 araw na bakbakan sa Lanao Del Sur; ito ay ayon sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Brig. Gen. Rolando Joselito Bautista, 1ID commander, umabot na sa 36 ang bilang ng casualty ng bandidong grupo na kanilang nakasagupa sa patuloy na operasyon ng kanilang tropa na nagsimula noong ika-21 ng Abril.

Nakubkob din umano ng tropa ng gobyerno ang kuta ng Maute Group sa Sitio Pagalungan, Barangay Gacap bayan ng Piagapo.

Kabilang sa kanilang narekober na mga gamit ay ilang piraso ng armas, uniporme, mga sangkap sa paggawa ng bomba, camera, motorsiklo, Indonesian passport at ilang dokumento na naglalaman ng impormasyon tungkol sa grupo.

Samantala, ang mga bandido umano ay napilitang magsitakas patungo sa hiwa-hiwalay na direksyon.

Ang operatiba ay bahagi ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan nang wakasan ang pamamayagpag ng Maute Group sa lugar.