Mahigit 50 aftershock naitala matapos ang magnitude 5.5 na lindol sa Batangas

Image from  KaBatang.com Facebook pageImage from KaBatang.com Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Umabot sa halos 50 na mga aftershock ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) matapos ang magnitude 5.5 na lindol Martes ng gabi sa probinsiya ng Batangas.

Ayon sa talaan ng Philvolcs bandang alas-8:58 ng gabi nang unang yanigin ang probinsiya ng malakas na pagyanig na naramdaman maging sa kalapit-probinsiya ng Cavite, Laguna, Mindoro, Bulacan at Metro Manila.

Sinundan ito ng magnitude 4.6 bandang alas-9:11 ng gabi. Ang sumunod pang malalakas na pagyanig ay tumama alas-10:09 (magnitude 4.0); alas-10:44 (magnitude 4.4); alas-11:13 (magnitude 4.8); at alas-12:49 (magnitude 4.9).

Bago mag-alas-11:00 ng umaga ng Miyerkules, nakapagtala na ang Phivolcs ng 47 aftershock malapit sa mga bayan ng Tingloy, San Luis at Mabini sa Batangas.

Samantala, nagdeklara na ng state of calamity sa probinsiya si Governor Hermilando Mandanas nitong Miyerkules.

Tinatayang aabot sa P16-M ang halaga ng nasirang ari-arian at establisimiyento matapos ang malakas na lindol. Isa sa naapektuahn ay ang Taal Basilica o Minor Basilica of Saint Martin of Tours; isa sa pinakalumang simbahang Katoliko sa Asya.

Nilinaw naman ng Philvolcs na walang posibilidad na magkaroon ng tsunami sa lugar dahil napag-alamang isang ‘tectonic earthquake’ ang nangyari.