Makabagbag-damdamin: Igorot, Hindi Pinasakay sa Bus Dahil sa Suot na Bahag? Netizens, Nagalit!

mula sa Facebookmula sa Facebook

Nagsiklab ang galit ng mga netizens sa viral na larawan ng isang Igorot na hindi pinayagan ng drayber na makasakay sa isang air-conditioned bus dahil siya ay nakabahag lamang.

Kumalat at pinagkaguluhan sa Facebook ang post ng isang nagngangalang Dhrins Laurente Napeek dahil sa larawan.

“Sya po yung igorot na hindi pinasakay ng driver ng bus dahil sa suot nya, kahit may pambayad at nakiusap si manong ayaw talaga sya pasakayin kawawa naman si manong, hindi makatao ang ginawa sa kanya,”pahayag ni Napeek.

Agad itong naitampok sa Facebook page na  Tambayan ni Berto Worldwide at umani ng napakaraming shares. Maraming netizens naman ang nagpahayag ng galit sa drayber ng bus sa umano’y “diskriminasyon” nito sa kapwa-Pilipino.

“Wala naman masama sa suot niya! Yan nga ang dapat ipinagmamalaki natin dahil proud siya sa kultura nila,”  post ng isang netizen.

Subalit hindi lahat ay nagalit sa drayber. Ilan sa mga netizen ang kumontra sa panig ni Napeek dahil hindi naman daw niya alam ang buong istorya sa likod nito. Agad na nagpost si Napeek ng kanyang panibagong FB post upang ipaliwanag ang kanyang panig.

Ang mga Igorot ay isa sa mga pangkat-etniko sa Pilipinas. Taal silang matatagpuan sa Cordillera sa Hilagang bahagi ng bansa. Bahagi ng kanilang kultura ang pagsusuot ng bahag, lalo na ang kalalakihan, subalit karamihan sa kanila ay natuto nang magsuot ng mga modernong damit upang makaangkop sa kasalukuyan.

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng Solid North Transit, ang bus company na pinaglilingkuran ng drayber,  hinggil sa isyu.