Malacañang, ipinaliwanag kung bakit kasama ni Pangulong Duterte si Mocha Uson sa Middle East visit

Image from Mocha Uson BlogImage from Mocha Uson Blog

Binatikos ng ilan ang pagkakabilang ni Mocha Uson sa opisyal na delegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbisita nito sa Saudi Arabia, Bahrain at Qatar matapos nitong ibahagi sa kanyang Facebook page na Mocha Uson Blog ang “selfie” nila ng pangulo.

Ipinaliwanag naman ng Malacañang kung bakit kasama ng Pangulo si Mocha, na miyembro ng Movie and Television Review and Classification Board.

Sa isang media briefing sa Riyadh sa Saudi Arabia, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na inimbitahan si Mocha na mapabilang sa official presidential entourage. Malaki raw kasi ang maitutulong ng presensiya ni Mocha na mapataas ng morale ng mga Pinoy sa Middle East.

Marami umanong followers si Mocha mula sa mga Filipino communities doon.

Bukod kay Mocha, kabilang din sa delegasyon ng Pangulo sina dating Metropolitan Manila Development Authority chairman Francis Tolentino, Ilocos Norte Governor Imee Marcos, Senator Alan Peter Cayetano at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.

Mocha with the President Image from Mocha Uson Blog